Return To Message Board
Author Topic:   LAPIS [pinoy story]
Kat Lim posted 4/23/03 10:53 AM     Click here to send email to Kat Lim  
Kreck, ayan na ung lapis. dedicated yan sayo ah.

LAPIS (part 2)



“Darating ang umaga”



Naglaho na nga ba ang babaeng minsang iginuhit ni Abel? Ang dilag na di akalaing mahuhulog ang loob sa kanya. At mas lalong di akalain na ang pagkawala nito ay magdudulot ng pighati sa buhay ng lumikha. Hindi niya alam nahulog na pala ang loob sa binibini… Ngunit paano na si Clarissa?

Alam kong mas kailangan ako ni Abel… kahit alam kong hindi na ako ang minamahal niya. Napaluha ang nakaluhod na si Clarissa. Panginoon, tulungan niyo po akong hanapin si Laura… Tumayo ang dalaga, nagkurus at nilisan ang pook dalanginan. Alaala ni Laura ang pumuno sa tirahan ng binata. Kaya sa bawat araw ng pagdalaw ni Clarissa sa kanya nararamdaman niya ang pagdurusa ng kasintahan. Kasintahan pa din nga ba ang dapat itawag sa matagal ng nawalan ng pag-ibig sayo at may mahal ng iba? Ngunit…mahal niya pa rin ito. Sa kanyang paglalakad, nakaramdam ang dalaga ng kung ano man at hindi niya mawari ang ibig sabihin nito. Huminto siya at pumikit sandali… hinanap ang kasagutan. Sandali lamang at muling iminulat ang mga mata, nakita ang isang babaeng nakatungo at nakaupo sa batong malaki. Ito’y nagdarasal hawak ang isang rosaryo. Humakbang si Clarissa ng kaunti at nagwika, “Alam kong masakit at mabigat ang ‘yong dinadala. Ngunit. Ngunit hindi ito mawawala sa’yong puso kung patuloy na tatakasan at ipagsasawalang bahala…” Nahalata niyang nagtaka ang babaeng nakatungo pa rin. Tumugon ito sa kanyang sinabi, “Kahanga-hanga ka naman. Nakikita mo ang sinasabi ng aking damdamin. Sana… katulad mo din akong nakadarama ng mga saloobin ng tao. Para hindi na ako umasa noon at sapitin ang pang habang buhay na sakit…” Hinawi ang mahabang buhok at nagpatuloy sa pagdadasal. Si Clarissa nakatayo pa rin at pinagmamasdan ang babae. “Ngunit hindi ako naging masaya sa ganitong kakayahan,” sabi niya. Dumidilim at lumalamig na ang paligid kaya nagpasya ang babae na umalis. “Sandali lang,” pigil ni Clarissa sa babae. Nakaramdam ulit siya kaya pinikit muli ang mga mata. Nakita niya ang babaeng kausap sa isang pangyayari, lumuluha, tumatakbo papalayo sa… papalayo sa isang lalaki? Malabo ang mukha. Pinilit niyang makita ito ngunit nawala bigla ang pangyayari. Minulat ang mga mata at napansing wala na ang kausap. Naisip niya na maaaring ang mga nakita ay dahilan ng kalungkutan ng babae. Napailing na lamang ito at nagsimulang maglakad sa mahangin at tahimik na daan.

Pagkatapos magligpit ni Clarissa sa hapag-kainan tinungo niya ang daan patungo sa kanilang hardin. Doon ay may isang balon na sa tuwing may problema siya o kaya nama’y gustong magpahangin ay kanyang pinupuntahan. Lumapit siya dito at umupo. Mababaw lamang ang balon. Kumikislap ang tubig at malinaw. Naalala ni Clarissa ang mga nakita kahapon ngunit sadyang malabo ito. Nagpasyang hawiin ang tubig sa balon at lumitaw ang pangyayaring nakita. Pinagmasdan niyang mabuti… at siya’y nagulat sa di inaasahang makita. Ang babaeng nakausap ay tumatakbo papalayo sa lalaking matagal na niyang kilala- si Abel? Kung gayon, kilala niya din ang babae sa pangyayari. Hindi siya makapaniwalang natagpuan niya na ang matagal ng hinahanap. Ngunit paano ko muling makikita si Laura? tanong sa kanyang sarili. Hindi na siya makapaghintay kaya dali-daling pumasok sa kanilang bahay at magbibihis. Halata sa kanyang mukha ang labis na kasiyahan at pagkasabik sa muling pagkikita nila ni Laura. Kasiyahan nga ba ang kanyang nadarama? O takot dahil alam niyang nalalapit na ang tuluyang pagkawala ng pag-ibig ni Abel para sa kanya?

Tinungo niya ang pook kung saan niya nakita si Laura. Ngunit wala siya doon. Tanging ang malaking bato lamang ang nandoon. Hindi nawalan ng pag-asa si Clarissa. Naglakad-lakad at tumingin sa paligid baka makita niya ito. Bumalik ulit siya sa malaking bato at doon nagpahinga at naghintay… ngunit walang Laurang dumating. Napabuntong hininga na lamang at nagpasyang puntahan ang pook dalanginan.

Panginoon, kailangan ko na siyang makita at makausap. Nawawalan na ng pag-asa si Abel. Wag mo po sanang pahintulutang masira ang kanyang mga pangarap… taimtim na nagdarasal si Clarissa. Sa gitna nito, may kakaibang naramdaman si Clarissa kaya napahigpit ang kanyang paghawak sa rosaryo. Minulat ang mga mata at nagkurus na. “Ano ang sinabi mo sa diyos? Maaari ko bang malaman?” biglang sabi ng taong nakaupo sa tabi ni Clarissa. Siya’y nagulat ngunit sumagot ng payapa, “Ipinagdasal ko na sana’y makita na ng taong mahal ko ang kaligayahang minsa’y nawala sa kanya…” Napangiti ang taong iyon at sinagot siya, “Ngunit hindi naman nawala ang kaligayahan ko Clarissa. Narito sa harapan ko ang kaligayahang iyon.” Hinarap ang kausap at nakikita niya sa mga mata nito na siya’y nagsisinungaling. “Kanina pa ako nagdadasal dito. Mula sa likod napansin kita. Pagkatapos kong magdasal, nilapitan kita at umupo sa’yong tabi.” Ngumiti na lamang ang dalaga sa kanya. Ilang minuto lang, nilisan na nila ang pook na iyon. Ilang araw na lang maglalaho na sa mga kamay ni Clarissa ang lalaking pinakamamahal…

Nasaan na nga pala ang lapis? Iyong panulat at pangguhit na regalo ng ina ni Abel. Naalala ni Abel ang sabi ng butihing ina na ito daw ay magdudulot ng kulay sa kanyang buhay. Pero bakit dumating sakin ang ganitong paghihirap? tanong ng binata sa sarili. Hanggang ngayon nangungulila pa rin siya sa babaing lubhang sinaktan niya. Dala ng pagsisisi at galit itinapon niya ang lapis na ngayo’y napasakamay na ng isang bagong karakter.

Si Clarissa ay isang magandang nilalang. Maganda ang pagkakulot ng mahabang kulay tsokolateng buhok, mapula-pula ang mga labi, sing kinis ng perlas ang balat at mapungay ang mga mata na sing kulay ng katawan ng puno. Kung gaano siya kaganda sa panlabas na kaanyuan ganon din sa panloob. Bukod sa kanyang kagandahan, isa siyang dalagang maraming talento. Tumutugtog si Clarissa ng piano at plawta at umaarte sa entablado. Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Clarissa. Pagkatapos ng kanyang praktis sa theatro tinungo ang lugar kung saan nakita si Laura. Habang naglalakad bigla niyang napagtantong may halaga ang kakayahang minana sa lelang. Noong una, ang tanging dinudulot nito sa kanya ay kalungkutan. Isa na sa mga pangyayaring ito ang kay Abel. At ngayon ito naman ang tutulong sa paghahanap niya kay Laura.

Wala pa ring Laura ang bumungad sa kanya. Tulad ng dati, ang batong malaki pa rin ang nandoon. At tulad pa rin ng dati, pumupunta siya sa simbahan pagkatapos mabigo sa paghahanap. Isang malaki at matandang gusali ang simbahan. Maliwanag sa loob at kumikinang ang mga palamuting nakapaligid sa birhen at mga santo. Napaliligiran ang birhen ng mga rosas na alay ng mga tao. Bukas ito para sa lahat- sa mga kabataan, matatanda, may sakit, mayayaman at lalo na sa mga taong pinagkaitan ng panahon. Isa na dito si Laura, nakaluhod habang nagdadasal sa harapan ni Hesus na nakapako sa krus. Nang makita ni Clarissa agad na pumunta sa kanyang likuran. Tahimik siyang nakaluhod ngunit umiiyak. Dama ni Clarissa ang nararamdaman ni Laura kaya nagpasyang tulungan ito, “Mahal ka niya Laura”. Natigilan ang dalaga sa narinig. Kilala niya ang boses ng babae sa kanyang likuran. Ito din ang kausap noong isang beses ngunit paano niya nalaman ang kanyang pangalan? Hinarap niya ito at nagulat sa nakita, “Clarissa?”. Ang babaing ngayo’y kaharap niya ay ang babaing minamahal ng kanyang iniibig. Bumalik sa kanyang alaala ang insidente… “Si Clarissa, ang girlfriend ko. Siya ang mahal ko Laura...” mga salitang binitiwan ni Abel sa kanya. Ngunit ano ang ibig sabihin ni Clarissa sa kanyang sinabi kangina lamang? “Ano ang ‘yong kailangan, Clarissa?” tanong ni Laura na nagpipigil ng luha. “Narito ako upang sabihin ang hindi nasabi ni Abel sa’yo,” sagot niya. Alam niyang masakit ang katotohanan ngunit hindi niya kayang ipagdamot ito sa kanya. “Ano pa ang dapat kong marinig?” tuluyan ng kumawala ang mga luhang pinipigil ni Laura. “Na ako’y ikinahihiya niya? Na ako’y katawa-tawa?” pagpapatuloy ni Laura. Sumasakit ang dibdib ngunit kailangang gawin ang nasa isip ni Clarissa. Inabot ang kamay ni Laura ngunit dagling inilayo sa kanya. “Nung araw na sinabi niya sayong mahal niya ako… Laura, akala niya ako pa rin ang mahal niya. At ng mawalay ka na sa kanya… doon niya napagtantong ikaw ang hinahanap ng kanyang puso’t damdamin…” paliwanag ni Clarissa. “Sa tuwing dinadalaw ko siya sa kanyang tirahan, ikaw ang nakikita ko sa paligid. At sa tuwing naririnig ko ang kanyang puso, pangalan mo ang sinisigaw nito. Nadadama kong ikaw ang minamahal niya. Ikaw ang kailangan niya… at hindi ako,” patuloy ni Clarissa habang tumutulo na rin ang mga luha. Hindi malaman ni Laura ang gagawin. Nagdadalawang isip sa mga narinig ngunit nakikita niya sa mga mata ni Clarissa ang katotohanan. Napayakap na lamang si Laura sa kanya.




http://www.angelfire.com/rock3/blue_angels
MHCS Batch 2002-2003
Kreck posted 4/24/03 4:12 AM     Click here to send email to Kreck  
sniff... sniff... diyos ko... "ikaw and kailangan niya, hindi ako..."



ang ganda kat! natouch naman me! and ganda! who the bagong karakter? nagstart ka na ba? i'm looking forward to reading the next part! keep up the good work!


http://shuro-konzen.diaryland.com
pieces of me... falling... falling...
Return To Message Board

Back To Blue_Angels HP  | Post New Topic